Wednesday, March 30, 2011

Grade 3 [“ang buhay eskwela”] Part 3

Grade 3

Medyo sakitin yata ng adviser ko ngayon ah. Payat, mukhang bangkay, kabaong na lang yata ang kulang at pwede nang ilibing. Math teacher namin ang adviser ko, hindi ko makakalimutan ang isang lesson namin. Long division. Patay! Hindi ko yata talaga ugali noon na makinig sa teacher habang nagle-lesson ito. Ending wala akong natutunan sa division [buti na lang natuto ako pagdating ng Grade 5].

Mas interes ko ang Sibika at Kultura, mga bayani, mga pakikipaglaban ng mga Pilipino, mga Pilipinong nagging sikat noon magpahanggang ngayon, mga Pilipinong tinuturing nating mga bayani. Mas naaalala ko pa kung paano naging bayani si Sultan Kudarat kaysa kung paano sagutan ang Math problem ng teacher ko. Ng mga pagkakataon na ito kinahiligan ko nag pagbabasa. Madaming koleksyon ng lumang libro sa Science and teacher ko, palibhasa maliban sa pagiging Math teacher ay teacher din namin siya sa English at Science. Dahil sa libro na iyon may mga bagong insekto akong nakilala kagaya ng head louse at mud louse. Sa mga libro din na iyon natutunan ko kung paano mula sa tadpole ay magiging palaka ito.

Sadya ngang hindi ganoon kalaki ang sweldo ng guro dahil kinailangan pang mag sideline ng mga teacher ko kagaya ng pagtitinda ng nilagang saging, candy, kakanin, at kung anu-ano pa. Syimpre kami naming mga estudyante ay suporta na lang para hindi mapagdiskitahan ng teacher. Minsan ang iba sa amin ay nagbo-volunteer pa na magtinda para makatulong at mabigyan din ng komisyon.

Ang mga bagong libro noon sa kahit anong subject ay hindi pinapauwe sa amin sa kadahilanang mas maiingatan ito kapag nasa loob ng klasrum. Naalala ko noon ang minsan kailanngan nang ipunin ang mga libro ay nag-volunteer ang kaklase ko at imbes na sabihin niya na siya ang mangongolekta ng libro ay nasabi niyang siya ang mangongolekta ng baraha! Natigilan kaming lahat sa sinabe niya at maya-maya ay sabay-sabay na nagtawanan.

Isang hindi makaklimutang parusa ang natanggap ko noong Grade 3 ako an nang umalis ang aming Filipino teacher para pumunta sa Principal’s Office. Mahigpit niyang ipinagbilin na walang mag-iingay at lalong-lalo, walang lalabas! Dahil sa pagiging maloko naming mga magkakaklase gumawa kami ng ingay at paisa-isang lumabas ng klasrum. Hindi maiiwasang may mga sipsip na estudyante at siya ang malakas ang loob na nagsumbong na magulo kami habang wala ang teacher namin.

Nagsimulang magtanong ang teacher namin. Idiniin niya na dapat maging honest kaming lahat dahil may mga magagandang bagay na nangyayre sa mga taong nagpapakatoo. Nadala ako sa sinabe ng teacher ko at bigla akong umamin na isa ako sa mga lumabas at nag-ingay nang umalis siya.

Apat kami lahat, puro lalaki ang umamin at nagpakatoo. Umaasa kami ng paghanga mula sa aming guro. Pero imbes na matuwa at huminahon ito pinagalitan niya kami at pinaluhod sa harap ng klase. Hindi pa siya nakuntento pinadipa pa niya kami at nilagyan ng tig-dalawang libro sa magkabilang palad namin. Imbes na paghanga nakatanggap kami ng parusa.

Natutunan ko na minsan mas maigi nang magsinungaling kaysa lumuhod at dumipa sa harap ng klase habang may nakapatong na libro sa magkabilang palad mo. Hehehe….

Tuesday, March 22, 2011

“ang buhay eskwela” Part 2 [Grade 2 na ako!!!]

Grade 2.

Tatlong hindi makalilimutang karanasan ang gusto kong ibida sa taong ito. Una, ang matindi at masakit na pangungurot ng teacher ko. Uso kasi noon ang corporal punishment. May pahintulot iyon mula sa DECS (DepEd) kaya nga ako napalo ng stick ng teacher ko noong Grade 1 eh. Isang araw inutusan ako ng adviser namin na magdilig ng halaman. Siyempre dapat may kasama ka para mas masaya. Ang pandilig namin ng halaman noon ay hindi timba ang tawag kundi “galunan”, ito yong pinaglagyan ng mga lubricant oil ng mga sasakyan na kapag wala nang laman ay pinakikinabanagn ng mga residente sa lugar namin. Sa poso kami nag-iigib ng tubig at kalimitan ay doon din umiinum ng tubig kapag uhaw na uhaw kami galling sa paglalaro ng agawan base (binirawnd). Sa pagpapatuloy ng kuwento, masaydo kaming natuwa ng kaklase kong lalake sa pagdidilig at napagpasyahan naming magbasaan. Sa di inaasahang pangyayari, aksidente kong nasabuyan ng tubig ang adviser namin na sa pagkakataon na iyon ay palabas na ng pinto patungo sa ibang klase. Patay! Lumapit ang teacher ko at binigyan ako ng simpleng kurot. Simple pero napakasakit, bumaon yata ang kuko nya sa balat ko sa tagiliran. Napaluha ako sa sakit pero tiniis ko dahil alam ko mas nakakahiya ang nangyare sa kanya dahil maliban sa madaming nakakita ay pinagtawanan pa namin siya sa nangyare. Pagkatapos noon, hindi na ako madalas nagvo-volunteer para magdilig ng halaman.

Isang magandang bagay ang natutunan ko noong Grade 2 ako [maliban sa pagdidilig ng maayos] ay ang pag-cover sa aming hiniram na libro sa eskwela. Oo, pinapahiram kami ng eskwela ng libro at pagkatapos ng taon ay isinasauli namenn ito para naman magamit ng mga susunod pang mga estudyante sa klase na iyon. Sa unang araw ng klase, isa sa mga dapat hindi mo kinakalimutang dalhin ay manila paper [maliban sa mapurol na gunting panggupit ng damo sa ground]. Ginagamit iyon sa paggupit ng pang-cover sa mga libro. Hindi ko alam kung tinatamad lang teacher ko gumawa noon o talagang gusto niya kaming matuto mag-cover ng libro namin. Sa unang subok medyo hindi ko pa magawa ng maayos pero dahil gusto kong maging sikat sa klase nag-volunteer ako na gumawa at ipakita sa harap ng mga kaklase ko kung paano ang tamang pag-cover. Sa awa naman ng diyos at sa kayabangan ko ay nagawa ko naman ito ng maayos kahit na meron itong kunting pagkakamali. Simula noon, ang mga notbuk ko at aklat ay may sariling cover.

Sa kabilang banda, sa klase namin ng hindi ko matandaang subject, pinagdala kami ng teacher ko ng paborito naming laruan. Tamang-tama sabi ko sa isip ko. Kararating lang ng tatay ko galling sa Maynila at pinasalubungan niya kami ng kapatid kong lalaki ng laruang kotse-kotsehan. May maipagmamayabang na ako sa mga kaklase ko. Hindi ako makatulog nung gabi bago ang araw ng pagdadala ng laruan. Excited ako! Iniisip ko na sa pagkakataon na iyon ay ako lang ang may ganoong klaseng laruang kotse.

Maaga akong nagising kinabukasan at naligo agad, madaming taong naliligo sa poso kaya nahirapan akong makasingit sa pag-iigib ng tubig. Nag-aalala ako na baka ma-late ako sa klase at mawalan ng pagkakataon para ipakita sa mga kaklase ko ang laruan ko. Pagkatapos maligo ay nagbihis agad ako, kumain ng almusal at nagpaalam sa nanay ko para pumasok. Hindi ko na hinintay pa ang ate ko sa pagpasok bagkus ay inabangan ko ang mga kaklsase ko sa kalsada para doon pa lang ay maipakita ko na sa kanila ang laruan kong dala. Hindi ko nilagay sa loob ng bag ko ang laruan, mas gusto kong nakikita ito ng mga kaibigan, kaklase, at kasama ko sa paglalakad papunta ng school. Dumating na ang oras ng pagpapasikat. Bago pa man magtawag ang teacher ko ay nagpresenta na agad ako para magvolunterr una. Jackpot! Tinawag ako ng teacher ko. Pagkakataon na ng pagsikat! Buong yabang kong ipinagmalaki sa mga kaklase ko ang aking laruang kotse. Sapul! Nainggit ang mga kaklase kong lalake sa laruan ko at marami ang nagtangkang hiramin ito at paglaruan. Ang sabe ko naman sa break time na lang at papakitaan ko sila paano ito pinapaandar. Yes! Instant celebrity ako ng araw na iyon. Dumating ang breaktime, ito na ang pangalawang pagkakataon ko. Pero sadya nga talagang kontrabida sa buhay ng lalake ang babae. Nag-aya ang mga kaklase kong babae kung gusto daw ba naming sumali sa kanila dahil maglalaro sila sa lugar malapit sa stage. Akala ko ako na ang sikat, nasapawan pa. para di mahalata nakipaglaro na din ako sa kanila, sinubukan kong ipatong ang kotse ko sa taas ng laruang payong [payong na maliit] ng isa kong kaklaseng babae. Nagalit siya dahil nahulog ito sa pinapayungan niyang baby na manika. Nagalit ang kaklase ko. Kinuha niya ang laruan kong kotse, pilit ko tong inaabot mula sa kanya pero bigla niya itong hinagis palayo! Biglang natigil ang mundo ko. Nakita ko kung paano pumaikot-ikot sa lupa ang aking laruan. At habang paikot-ikot ito nakita ng dalawang mata ko kung paano humiwalay sa katawan ng laruang kong kotse ang isang gulong nito. Patay! Dalawang mahahalagang bagay ang naisip ko habang pinapanood ko ito, una wala na ang inaasam-asam kong kasikatan dahil sira na ang aking laruan at pangaalawa, lagot ako sa nanay ko dahil maliban sa panagaral ay may sideline pa itong palo kapag nagkataon. Gusto kong gumanti sa ginawa ng kaklase ko sa laruan kong kotse, kaso sa dami nila para pagkaisahan ako mas minabuti ko nang manahimik na lang. Hindi ko na din inisip na magsumbong sa teacher ko dahil alam kong ako din nman ang sisihin niya sa nangyare. Salamat sa kurot ng teacher ko at natuto akong magdilig ng halaman ng maayos. Salamat sa teacher ko dahil natutunan kong mag-cover ng libro gamit ang manila paper [ngayon ay may kasama ng plastic cover]. Salamat sa teacher ko sa pagpapadala niya ng paborito naming laruan natutunan kong magpakumbaba at maniwala sa bilis ng karma.

Monday, March 21, 2011

“ang buhay eskwela” Part 1


Rita Lovino Elementary School

Grade 1...

First day of school excited ako pumasok. Grade 1 na ako, kumpleto na lahat ng gamit ko, lapis, papel, spelling booklet, eraser, 8 pieces crayons (basic colors). Ang higpit ng hawak ko sa kamay ng nanay ko, ihahatid nya ako sa school sa unang araw. Ang dami naming kasabay sa paglalakad papunta sa school ang ate ko, mga pinsan ko, pati bunsong kapatid ng nanay ko na nasa Grade 6 na noon. Tanda ko pa ang baon ko noon, 2 piso, na sa palagay ko ay hindi na yata tumaas hanggang sa makatapos ako ng elementary.

Hindi ko alam kung bakit nasa section 1 ako noon hindi naman ako talaga ganoon kagaling, pero laking pasalamat ko na rin dahil kaklase ko ang bestfriend ko. Tagapagtanggol ko yun palagi kaso mas madalas ko na nakakaaway sa laro. May ilang mga bagay o karanasan na hindi ko maliimutan noong ako ay nasa Grade 1. Minsan na akong napalo ng stick ng adviser namin ng minsan napagkamalan nya akong maingay sa klase at hindi nakikinig sa kanyang discussion. Nahuli nya kasi kami ng kaklase ko na abala sa pagsusuklay ng buhok habang nagtuturo siya. Ayun, nasapul ako ng kanyang mahiwagang stick, bigla akong humagulgol at napaupo sa sahig na semento, habang umiiyak ay didepensahan ko ang sarili ko at pasigaw na sinasabe na wala akong kasalanan at bakit nya ako pinalo. Nahahalata ko na sa klase na kapag may mga anumalya eh ako ang palaging pinagbibintangan. Isang araw nangamoy tae sa classroom namin, napagkaisahan na naman ako ng mga classmates ko at ako ang itinuturo ng kaklase ko na tumae. Dahil alam ko sa sarili ko na hindi ako yun, malakas ang loob ko na maghamon. Sinabe ng teacher namin na tumayo lahat, kahit hindi pa niya binibigay ang hudyat ng pagtayo ay nauna na akong tumayo para maipakita ko ang sa mga kaklase kong mapagbintang na hindi ako ang tumae. Masayang natapos ang araw na iyon at taas noo kong pinagmalaki na wala akong ginawang kalokohan sa arw din na iyon.

Marami akong naging kaklase na nanggaling sa karatig barangay. Dahil malayo ang pinanggalingan nila hindi na sila umuuwi sa bahay nila tuwing tanghalian para kumain. Nagdadala na lng sila ng kanilang baon. Medyo malayo din ang school mula sa bahay pero kakayanin pa din naming umuwi para sa tanghalian at bumalik sa school para sa klase n ala-1 ng hapon. Hindi ko alam bkit naisipan kong magpahanda ng baon sa nanay ko para doon sa school mananghalian. Akala ko astig kapag may baon ka at dun kumakain sa school, hindi pala. Naging malungkot lang ang tanghalian ko. Simula noon hindi ko na inulit pa.

Hindi ko namalayan patapos na pala ang unang taon ko sa elementary. Sabik na akong mag Grade 2. Pero syempre bago iyon eh mayroon pang tinatawag na recognition day. Kaso wala naman ako sa listahan ng mga mabibigyan ng recognition kaya hindi ko na pinansin pa iyon. Hindi ko alam pero hindi ko pa pinapansin iyon nung Grade 1 ako. Ang mahalaga sa akin eh ang makapaglaro ako sa darating na bakasyon.

Si bestfriend ay babae. Sa kilos talagang magkaiba kami. Kung ako sinasbihan nilang kilos babae si bestfriend naman ay kilos lalake. Sa iisang lugar lang kami nakatira ni bestfriend, madame din kaming mga kababata sa lugar namin at sila kadalasan ang nakakasama namin sa aming paglalaro. Isang araw naglaro kami ng bahay-bahayan (popular na laro ng mga batang paslit). Syempre ako tatay, yung isang kababata namin ang nanay at ang bestfriend ko ang yaya ng naging anak namin. Kumpleto kami sa gamit, dahon ng gumamela para maging pera namin, mga lata ng sardinas bilang lutuan, mga bulaklak bilang mga lutuin, sako ng palay para pansapin sa bahay-bahayan, mga patpat para sa konstruksyon ng bahay. Ganoon yata kapag bata ka, lahat ng bagay ay nagiging totoo kahit na ito ay hindi kapani-paniwala. Ipinagpilitan ng bestfriend ko na nagka-anak kami ng asa-aswa ko sa bahay-bahayan namin. Kinabahan ako dahil tiyak papagalitan kami ng mga magulang namin sa pagkakaroon namin ng anak sa murang edad. Nakakatakot ang bestfriend ko dahil ipinaalam pa niya sa ibang kalaro namin kaya naging sentro kami ng tuksuhan. Ang manikang laruan ng bestfriend ko ang nagsilbing anak namin ng asa-asawahan ko sa bahay-bahayan sa matagl na panahon. Matagal na panahon hanggang ma-realize ko na hindi naman pala ganoon ka nakakatakot dahil isang simpleng laro lang pala iyon. Iyon ang mga panahon kung saan naniniwala kami na mabubuntis ang isang babae sa pamamagitan ng halik lang.

Grade 2...

itutuloy..