Grade 3
Medyo sakitin yata ng adviser ko ngayon ah. Payat, mukhang bangkay, kabaong na lang yata ang kulang at pwede nang ilibing. Math teacher namin ang adviser ko, hindi ko makakalimutan ang isang lesson namin. Long division. Patay! Hindi ko yata talaga ugali noon na makinig sa teacher habang nagle-lesson ito. Ending wala akong natutunan sa division [buti na lang natuto ako pagdating ng Grade 5].
Mas interes ko ang Sibika at Kultura, mga bayani, mga pakikipaglaban ng mga Pilipino, mga Pilipinong nagging sikat noon magpahanggang ngayon, mga Pilipinong tinuturing nating mga bayani. Mas naaalala ko pa kung paano naging bayani si Sultan Kudarat kaysa kung paano sagutan ang Math problem ng teacher ko. Ng mga pagkakataon na ito kinahiligan ko nag pagbabasa. Madaming koleksyon ng lumang libro sa Science and teacher ko, palibhasa maliban sa pagiging Math teacher ay teacher din namin siya sa English at Science. Dahil sa libro na iyon may mga bagong insekto akong nakilala kagaya ng head louse at mud louse. Sa mga libro din na iyon natutunan ko kung paano mula sa tadpole ay magiging palaka ito.
Sadya ngang hindi ganoon kalaki ang sweldo ng guro dahil kinailangan pang mag sideline ng mga teacher ko kagaya ng pagtitinda ng nilagang saging, candy, kakanin, at kung anu-ano pa. Syimpre kami naming mga estudyante ay suporta na lang para hindi mapagdiskitahan ng teacher. Minsan ang iba sa amin ay nagbo-volunteer pa na magtinda para makatulong at mabigyan din ng komisyon.
Ang mga bagong libro noon sa kahit anong subject ay hindi pinapauwe sa amin sa kadahilanang mas maiingatan ito kapag nasa loob ng klasrum. Naalala ko noon ang minsan kailanngan nang ipunin ang mga libro ay nag-volunteer ang kaklase ko at imbes na sabihin niya na siya ang mangongolekta ng libro ay nasabi niyang siya ang mangongolekta ng baraha! Natigilan kaming lahat sa sinabe niya at maya-maya ay sabay-sabay na nagtawanan.
Isang hindi makaklimutang parusa ang natanggap ko noong Grade 3 ako an nang umalis ang aming Filipino teacher para pumunta sa Principal’s Office. Mahigpit niyang ipinagbilin na walang mag-iingay at lalong-lalo, walang lalabas! Dahil sa pagiging maloko naming mga magkakaklase gumawa kami ng ingay at paisa-isang lumabas ng klasrum. Hindi maiiwasang may mga sipsip na estudyante at siya ang malakas ang loob na nagsumbong na magulo kami habang wala ang teacher namin.
Nagsimulang magtanong ang teacher namin. Idiniin niya na dapat maging honest kaming lahat dahil may mga magagandang bagay na nangyayre sa mga taong nagpapakatoo. Nadala ako sa sinabe ng teacher ko at bigla akong umamin na isa ako sa mga lumabas at nag-ingay nang umalis siya.
Apat kami lahat, puro lalaki ang umamin at nagpakatoo. Umaasa kami ng paghanga mula sa aming guro. Pero imbes na matuwa at huminahon ito pinagalitan niya kami at pinaluhod sa harap ng klase. Hindi pa siya nakuntento pinadipa pa niya kami at nilagyan ng tig-dalawang libro sa magkabilang palad namin. Imbes na paghanga nakatanggap kami ng parusa.
Natutunan ko na minsan mas maigi nang magsinungaling kaysa lumuhod at dumipa sa harap ng klase habang may nakapatong na libro sa magkabilang palad mo. Hehehe….
No comments:
Post a Comment