Tuesday, March 22, 2011

“ang buhay eskwela” Part 2 [Grade 2 na ako!!!]

Grade 2.

Tatlong hindi makalilimutang karanasan ang gusto kong ibida sa taong ito. Una, ang matindi at masakit na pangungurot ng teacher ko. Uso kasi noon ang corporal punishment. May pahintulot iyon mula sa DECS (DepEd) kaya nga ako napalo ng stick ng teacher ko noong Grade 1 eh. Isang araw inutusan ako ng adviser namin na magdilig ng halaman. Siyempre dapat may kasama ka para mas masaya. Ang pandilig namin ng halaman noon ay hindi timba ang tawag kundi “galunan”, ito yong pinaglagyan ng mga lubricant oil ng mga sasakyan na kapag wala nang laman ay pinakikinabanagn ng mga residente sa lugar namin. Sa poso kami nag-iigib ng tubig at kalimitan ay doon din umiinum ng tubig kapag uhaw na uhaw kami galling sa paglalaro ng agawan base (binirawnd). Sa pagpapatuloy ng kuwento, masaydo kaming natuwa ng kaklase kong lalake sa pagdidilig at napagpasyahan naming magbasaan. Sa di inaasahang pangyayari, aksidente kong nasabuyan ng tubig ang adviser namin na sa pagkakataon na iyon ay palabas na ng pinto patungo sa ibang klase. Patay! Lumapit ang teacher ko at binigyan ako ng simpleng kurot. Simple pero napakasakit, bumaon yata ang kuko nya sa balat ko sa tagiliran. Napaluha ako sa sakit pero tiniis ko dahil alam ko mas nakakahiya ang nangyare sa kanya dahil maliban sa madaming nakakita ay pinagtawanan pa namin siya sa nangyare. Pagkatapos noon, hindi na ako madalas nagvo-volunteer para magdilig ng halaman.

Isang magandang bagay ang natutunan ko noong Grade 2 ako [maliban sa pagdidilig ng maayos] ay ang pag-cover sa aming hiniram na libro sa eskwela. Oo, pinapahiram kami ng eskwela ng libro at pagkatapos ng taon ay isinasauli namenn ito para naman magamit ng mga susunod pang mga estudyante sa klase na iyon. Sa unang araw ng klase, isa sa mga dapat hindi mo kinakalimutang dalhin ay manila paper [maliban sa mapurol na gunting panggupit ng damo sa ground]. Ginagamit iyon sa paggupit ng pang-cover sa mga libro. Hindi ko alam kung tinatamad lang teacher ko gumawa noon o talagang gusto niya kaming matuto mag-cover ng libro namin. Sa unang subok medyo hindi ko pa magawa ng maayos pero dahil gusto kong maging sikat sa klase nag-volunteer ako na gumawa at ipakita sa harap ng mga kaklase ko kung paano ang tamang pag-cover. Sa awa naman ng diyos at sa kayabangan ko ay nagawa ko naman ito ng maayos kahit na meron itong kunting pagkakamali. Simula noon, ang mga notbuk ko at aklat ay may sariling cover.

Sa kabilang banda, sa klase namin ng hindi ko matandaang subject, pinagdala kami ng teacher ko ng paborito naming laruan. Tamang-tama sabi ko sa isip ko. Kararating lang ng tatay ko galling sa Maynila at pinasalubungan niya kami ng kapatid kong lalaki ng laruang kotse-kotsehan. May maipagmamayabang na ako sa mga kaklase ko. Hindi ako makatulog nung gabi bago ang araw ng pagdadala ng laruan. Excited ako! Iniisip ko na sa pagkakataon na iyon ay ako lang ang may ganoong klaseng laruang kotse.

Maaga akong nagising kinabukasan at naligo agad, madaming taong naliligo sa poso kaya nahirapan akong makasingit sa pag-iigib ng tubig. Nag-aalala ako na baka ma-late ako sa klase at mawalan ng pagkakataon para ipakita sa mga kaklase ko ang laruan ko. Pagkatapos maligo ay nagbihis agad ako, kumain ng almusal at nagpaalam sa nanay ko para pumasok. Hindi ko na hinintay pa ang ate ko sa pagpasok bagkus ay inabangan ko ang mga kaklsase ko sa kalsada para doon pa lang ay maipakita ko na sa kanila ang laruan kong dala. Hindi ko nilagay sa loob ng bag ko ang laruan, mas gusto kong nakikita ito ng mga kaibigan, kaklase, at kasama ko sa paglalakad papunta ng school. Dumating na ang oras ng pagpapasikat. Bago pa man magtawag ang teacher ko ay nagpresenta na agad ako para magvolunterr una. Jackpot! Tinawag ako ng teacher ko. Pagkakataon na ng pagsikat! Buong yabang kong ipinagmalaki sa mga kaklase ko ang aking laruang kotse. Sapul! Nainggit ang mga kaklase kong lalake sa laruan ko at marami ang nagtangkang hiramin ito at paglaruan. Ang sabe ko naman sa break time na lang at papakitaan ko sila paano ito pinapaandar. Yes! Instant celebrity ako ng araw na iyon. Dumating ang breaktime, ito na ang pangalawang pagkakataon ko. Pero sadya nga talagang kontrabida sa buhay ng lalake ang babae. Nag-aya ang mga kaklase kong babae kung gusto daw ba naming sumali sa kanila dahil maglalaro sila sa lugar malapit sa stage. Akala ko ako na ang sikat, nasapawan pa. para di mahalata nakipaglaro na din ako sa kanila, sinubukan kong ipatong ang kotse ko sa taas ng laruang payong [payong na maliit] ng isa kong kaklaseng babae. Nagalit siya dahil nahulog ito sa pinapayungan niyang baby na manika. Nagalit ang kaklase ko. Kinuha niya ang laruan kong kotse, pilit ko tong inaabot mula sa kanya pero bigla niya itong hinagis palayo! Biglang natigil ang mundo ko. Nakita ko kung paano pumaikot-ikot sa lupa ang aking laruan. At habang paikot-ikot ito nakita ng dalawang mata ko kung paano humiwalay sa katawan ng laruang kong kotse ang isang gulong nito. Patay! Dalawang mahahalagang bagay ang naisip ko habang pinapanood ko ito, una wala na ang inaasam-asam kong kasikatan dahil sira na ang aking laruan at pangaalawa, lagot ako sa nanay ko dahil maliban sa panagaral ay may sideline pa itong palo kapag nagkataon. Gusto kong gumanti sa ginawa ng kaklase ko sa laruan kong kotse, kaso sa dami nila para pagkaisahan ako mas minabuti ko nang manahimik na lang. Hindi ko na din inisip na magsumbong sa teacher ko dahil alam kong ako din nman ang sisihin niya sa nangyare. Salamat sa kurot ng teacher ko at natuto akong magdilig ng halaman ng maayos. Salamat sa teacher ko dahil natutunan kong mag-cover ng libro gamit ang manila paper [ngayon ay may kasama ng plastic cover]. Salamat sa teacher ko sa pagpapadala niya ng paborito naming laruan natutunan kong magpakumbaba at maniwala sa bilis ng karma.

No comments: