Friday, September 30, 2011

Buhay Grade 6 sa Rita Lovino Elementary School

Grade 6…

Kakauwi ko lang mula sa probinsiya namin at naisip kong isulat ang huling bahagi ng elementary life ko…

Halos wala akong matandaan masyado sa Grade 6 ko, pero nang umwi ako doon kamakailan lang ay bumalik sa mga alaala ko ang mga nangyari. Nagkita kami ng bestfriend ko na sa kasalukuyan ay isa na ding guro pero sa elementarya. Iba ang pakiramdam ang naramdaman ko nang una kong itapak ang mga paa ko sa paaralan kung saan kami nagtapos. Bumalik ang mga masasaya at malulungkot na araw ng buhay ko.

Unang bumungad sa akin ang mga halamanan kung saan kami nagpapagod tuwing umaga para bunutan ito ng mga damo at didligan ng paulit-ulit na para bang lulunurin mo na ito. Madami na ding nabago sa lugar… wala na ang dating taniman ng mani na lubos naming inalagaan kasama ang EPP teacher namin. Sa kasalukuyan mayroon nang dalawang malalawak na silid-aralan na nakatirik dito. Naalala ko pa noon, masyado kaming abala sa pagtatanim at dahil lumaki ako sa bukid mas nagkaraoon ng tiwala sa akin ng EPP teacher ko sa kadahilanang mas may alam ko sa pagtatanim kumpara sa mga kaklase ko na lumaki malapit sa dagat.

Sa Grade 6, hiwalay ang babae pagdating sa araling EPP. Sila ay sama sama sa isang klasrum at nag-aaral ng Home Economics samantalang kami naman ay Practical Arts. Ni minsan hindi ako naging leaders sa mga kaklase ko, maaring dahil sa dalawang rason (1) ayaw nila ako maging leader at (2) ayaw ko maging leader sa kanila. Mas natuto ako nang maigi dahil mas magaan ang responsibilidad ng pagiging isang miyembro. Basta’t marunong ka sumunod sa gusto nilang mangyari ay walang magiging problema. Isa pa, mga malalapit na kaibigan ko namn ang mga kasama ko sa grupo.

Grade 6 ako natutong magsuot ng sapatos sa pagpasok sa eskwelan dahil ang sabi ng adviser namin noon, mas maaga dapat naming sinasanay ang sarili namin dahil sa susunod na taon ay araw araw na kaming papasok sa paaralan na naka-sapatos. Dahil sa walang required na uniform sa amin noon, basta malinis naman ay pwede na ipang-pasok sa eskwela.

Grade 6 din akong natutong maging responsable sa mga gawain ko sa bahay at eskwelahan. Maaga akong gumigising para dalhin ang alaga naming baka sa bukid para namn may makain ito. Pagkatapos noon, ay uuwi ako at maghahanda para sa eskwela babalikan ko nalang ang alaga naming baka sa tanghali para painumin at ilagay ito sa lilim. Sa hapon na ang balik ko para iuwi nman ito sa bahay para makapagpahinga. Ibig sabihin, kasa-kasama ko ang baka namin pauwi sa bahay namin pagkagaling sa eskwela. Naging gawi ko na ito hanggang sa makatuntong ako ng High School. Masarap na mahirap ang ganoong gawain sa araw-araw. Masarap dahil nakakatulong kasa bahay, mahirap kasi hindi ko na minsan makuhang makapaglaro sa hapon dahil dito.

Dahil Grade 6 ka na, mas mataas ang responsibilidad mo sa eskwela. Madalas akong mag-volunteer noon sa flag ceremony namin at sa flag retreat. Madalas mag-volunteer sa pangunguna sa pagbigkas ng Panatang Makabayan at Panunumpa sa Watawat (old version). Ang hndi ko lang nagawa ay nag mag-volunteer para manguna sa pag-eehersisyo tuwing umaga pagkatapos ng flag ceremony namin. Pagkatapos noon, ay derecho sa klasrum para sa attendance at mga aralin. Naalala ko ang adviser namin ng Grade 6, mahigpit ito pero napakabait niya. Talagang inalalayan kami para mas matuto kami sa mga aralin namin.Hindi ko na ililihim pa na ninang siya ng nanay at tatay ko sa kasal nila. Pero magkaganoon pa man, walang nagingibabaw na favoritism sa parte ko. Hehehehe. Naalala ko noong magtatapos na kami, siya ang nagsulat ng speech naming noon. Ang speech ko ay may pamagat na “To our dear friends and fellow schoolmates”. Pero ngayon halos pamagat na lang naalala ko sa speech na iyon.

Hindi ko inakala na magtatapos ako na may matanggap na ribbon dahil simula noong Grade 1 ako ay wala din naman akong natanggap. Nagtapos ako na kabilang sa Top 10 ng klase. Tuwang-tuwa ako pati na din ang nanay ko. Bago ang araw ng graduation ay nagpabili ako sa tatay ko ng sapatos na nang mga panahon na iyon ay nagtatrabaho sa Maynila. Nagpatahi ng puting polo at itim na pantalon at isama mo pa ang bow tie na hindi ko alam kung bakit kailanagn pa isuot iyon.

March 20, 1995, 25th Cosing Exercises, Rita Lovino Elementary School nagtapos akong Grade 6. Dala ang mga alaalang hindi makakalimutan at hanggang ngayo ay binabalik-balikan pa din. Isang napakasayang alaala ng buhay na hindi maipagpapalit sa kasalukuyan.

Sa pagbalik ko sa dating paaralan. Nasilayan ko muli ang nakaraan. Naroon pa din ang nmga aging guro ko. Ang teacher ko nang Grade 2 ako, naalala kong kinurot ako dahil kakulitan naming magkaklase. Ang nagging guro ko sa Filipino at HEKASI na lubos ng tiwala sa amin kaya mas madalas niya kaming iwanan sa loob ng klase. Retired na siya pero nakita ko din ang guro ko ng Grade 5 sa HEKASI na minsang tumanggi sa pag-enroll ko sa Section 2 noon at pilit na pina-eenrol ako sa Section 1. At ang adviser ko noong Grade 6 na kahit retired na din ay kilala padin ako. At lahat sila ay tinatawag ako sa pangalang REYNALDO.

Sa kasalukuyan ang iba sa amin ay mga nagsitapos na sa pag-aaral at may kanya-kanyang buhay na… isang bagay lang ang nakikita kong parehas sa aming lahat. Ang bagay na hindi pinipilit mula sa isang tao. Ang pagtanaw ng utang na loob sa paaralan at sa mga gurong naging bahagi ng buhay naming lahat. Sa ngayon karamihna sa amin ay mga guro na din. Hindi man kami doon nagtuturo sa paaralang kinalakhan naming, dala pa din naming ang natutunan naming mga mahahalagang aral ng buhay namin sa Mababang Paaralan ng Rita Lovino at ito din ang ipapamana naming sa aming mga mag-aaral

=wakas=

No comments: